Ilang accomplishments ng PNP, ibinida ni PNP Chief Marbil kay PBBM kasabay ng ika-123 Police Service Anniversary

Nagbigay ng ulat si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasabay ng pagdiriwang ng kanilang ika-123 Police Service Anniversary sa Kampo Crame ngayong araw.

Ilan sa mga ibinidang accomplishments ni PNP Chief Marbil ay ang pagtatatag ng Cyber Securty Operations Center upang labanan ang alinmang cyber threats o cyber-attacks.

Iniulat din nito ang 85/15 percent na deployment scheme ng mga pulis kung saan ang 85 porsyento ng mga ito ay nasa active field duties habang ang 15 porsyento lamang ng mga pulis ang gumagampan sa administrative functions na layong paigtingin ang police visibility at mabilis na pagresponde sa anumang emergency.


Inihalimbawa pa nito ang pag-download ng mga pulis mula sa Police Security and Protection Group (PSPG) patungong National Capital Region – Police Office (NCRPO) para kanilang ma-maximize ang kanilang resources at matutukan ang mga tinaguriang high priority areas.

Maliban dito, iniulat din ni Marbil ang 14,666 crime reduction mula July 2023 hanggang June 2024 partikular na sa carnapping, rape, robbery at cybercrime.

Tuloy-tuloy rin aniya ang kampanya ng PNP kontra ilegal na droga kung saan mula July 1, 2022 hanggang July 31, 2024 ay nakasabat ang PNP ng aabot sa ₱36.5B halaga ng ipinagbabawal na gamot mula sa kaliwa’t kanang drug operations.

Kasunod nito, pinapurihan ni Pangulong Marcos ang liderato ng Pambansang Pulisya lalo na ang makatao at bloodless operations ng PNP sa pagkamit ng maayos at mapayapang komunidad.

Facebook Comments