Monday, April 13, 2026

Ilang ahensiya ng pamahalaan, sanib-puwersa kontra fake news; MOA signing para labanan ang paglaganap nito, isasagawa mamaya sa DOJ

Paiigtingin pa ng pamahalaan ang laban kontra sa paglaganap ng fake news sa bansa.

Ito ay dahil nakatakdang pumirma ng kasunduan ang ilang ahensiya ng gobyerno laban sa online disinformation, false information, deepfakes, at iba pang digitally manufactured o altered media.

Isasagawa ang signing ng memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Justice (DOJ), Presidential Communications Office (PCO), at Department of Information and Communications Technology (DICT) mamayang hapon.

Inaasahang lalahok dito ang mga kalihim ng bawat ahensiya upang ipakita ang kanilang pagiging seryoso sa pagsugpo ng fake news.

Sa mga nakalipas na linggo, nagkalat ang mga fake news laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., gaya ng umano’y malubhang karamdaman nito.

Noong nakaraang Martes naman nang magtungo si PCO Secretary Dave Gomez sa tanggapan ng DOJ para paimbestigahan ang nagpakalat ng umano’y energy lockdown na nagdulot ng panic sa mga Pilipino.

Facebook Comments