Ilang ahensya, ipapatawag para hanapan ng solusyon ang mga dam na isa sa sanhi ng matinding pagbaha

Ipapatawag ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilang mga ahensya at tanggapan ng gobyerno para hanapan ng solusyon ang mga dam na itinuturong isa sa dahilan ng matinding pagbaha sa Bulacan at sa Metro Manila.

Matatandaang sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ay nagisa ang mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) dahil sa pagpapakawala ng tubig sa Bustos Dam ng walang abiso gayundin sa mga proyektong hindi tapos o na-terminate na pero patuloy na hinihingan ng ahensya ng budget sa Kongreso.

Inirekomenda ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino at Senate President Pro Tempore Loren Legarda na ipatawag sa susunod na hearing ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), National Water Resources Board (NWRB), National Power Corporation (NPC), Office of Civil Defense (OCD), PAGASA, Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang mga Local Government Units (LGU) na apektado ng pagpapakawala ng tubig sa dam.


Iginiit ni Legarda na habang nasa plano pa lang ang proyekto para maisaayos ang Bustos Dam ay kailangang makapaglatag ang mga ahensya ng pansamantalang solusyon sa pagbaha.

Samantala, sa pagdinig ay nasermunan ng husto ng mga senador si NIA Deputy Administrator for Engineering and Operations C’zar Sulaik Matapoa na hindi masagot kung bakit ang mga hindi pa tapos na dam ay may alokasyon o pondo na para sa maintenance.

Ang mga ito ay ang Balog-Balog Multipurpose Dam Project sa Tarlac na 20 percent pa lang ang natatapos pero may hininging P50 million na budget para sa maintenance at ang Dumuloc Earthfill Dam sa Pangasinan na nasa 1 percent pa lang ang nagagawa pero may P200 million nang hininging budget para sa maintenance.

Giit ni Senator Raffy Tulfo, ginagawa pa lang ang mga dam at kung hihingi na ng pondo sa maintenance ng mga ito ay dapat kumpleto o tapos na ang proyekto.

Facebook Comments