Ilang ahensya ng gobyerno at GOCC, may alok na calamity loan sa kanilang mga miyembro

Patuloy ang paghahandog ng calamity loan ng ilang State Pension Fund at Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) sa mga miyembro nitong sinalanta ng mga nagdaang bagyo.

Ito ay matapos na isailalim ang buong Luzon sa State of Calamity noong nakaraang linggo.

Isa rito ang Government Service Insurance System (GSIS), kung saan sa interview ng RMN Manila, sinabi ni GSIS Executive Vice President Nora Malubay na sila ay may alok na pautang para sa kanilang miyembro at pensioners na aabot sa 20,000 pesos sa ilalim ng GSIS Emergency Loan Program.


Habang ang Social Security System (SSS) naman ay nag-aalok ng tatlong assistance package kabilang ang Calamity Loan Assistance Program para sa mga currently paying members, Three-Month Advance Pension para sa SSS Employees Compensation Pensioners at ang Direct House Repair and Improvement Loan na para naman sa mga winasak ng bagyo ang kanilang bahay.

Sa inteview ng RMN Manila kay SSS Spokesperson Fernan Nicolas, tiniyak nitong bukas ang nasabing mga programa para sa lahat kanilang miyembro sa Luzon.

Habang inihayag ni PAG-IBIG Public and Media Affairs Manager Jack Jacinto sa interview ng RMN-Manila na maaari ring utangin ang halos 80 porsyento mula sa kanilang regular savings ang mga miyembro ng PAG-IBIG Fund partikular ang calamity loan sa loob ng 90 araw mula nang ideklara ang State of Calamity sa kanilang lugar.

Anila, tulong ito ng bawat ahensya para muling makapagsimula ang kanilang mga miyembro na apektado ng iba’t ibang kalamidad.

Facebook Comments