Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, may pondo ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd) para makapag-ambag sa mga community pantry.
Diin ni Recto, maaaring bilhin ng DA para ibigay sa mga community pantry ang tone toneladang bigas, kamatis at iba pang gulay sa mga probinsya na nabubulok at itinatapon dahil walang bumibili.
Tinukoy ni Recto na maaaring gamitin dito ang 150-million pesos na pondo ng DA para sa programang “Kadiwa ni Ani at Kita”.
Ipinunto pa ni Recto sa DA na kung kayang mag-angkat ng gobyerno ng baboy mula Brazil, ay bakit hindi kayang ibaba ang gulay mula Benguet patungo sa Metro Manila para mapakinabangan ng higit na ngangangailangan sa halip na masira lang.
Binanggit din ni Recto na mayroon namang 176.6-billion pesos sa budget ng DSWD na maaaring gamitin para sa pagbibigay ng donasyong pagkain.
Idinagdag din ni Recto ang pondo ngayong taon para sa direct feeding ng mga bata na ang P6 billion ay nasa DepEd at ang P3.8 billion ay nasa DSWD.