Inimbitahan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang ilang ahensya ng gobyerno sa isang meeting upang matiyak na naibibigay nito ang maayos na serbisyo sa mga Pilipino.
Ayon kay ARTA Director General Jeremiah Belgica – nais nilang marinig ang paliwanag ng mga kung bakit marami silang natatanggap ng complaint at kung paano nila nireresolba ito.
Itinakda ang pulong nila kasama ang Home Development Mutual Fund (HDMF) o Pag-IBIG Fund sa susunod na linggo.
Aminado naman si Pag-IBIG Vice President for Public Relations and Information Systems, Atty. Kalin Franco-Garcia na mayroon silang backlog sa pagpoproseso ng multi-purpose loans dahil sa system upgrade noong nakaraang taon pero naayos na ito.
Ang Pag-IBIG Fund ay napabilang sa top 5 agencies na may maraming reklamo mula sa mga kliyente, base na rin sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Malibang sa Pag-IBIG, tinukoy din ng Pangulo ang Land Transportation Office (LTO), Social Security System (SSS), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Land Registration Authority (LRA).
Payo ng ARTA sa publiko kung may reklamo kaugnay sa mga ahensya ng gobyerno ay tumawag sa hotline 8888 o magpadala ng mensahe sa kanilang social media accounts.