Ilang ahensya, posibleng tapyasan ng budget para pondohan ang libreng matrikula

Manila, Philippines – Posibleng tapyasan ang budget ng ilang ahensya sa susunod na taon, para pondohan ang libreng matrikula sa mga state colleges and universities at technical vocational institutions.

Tinataya kasing nasa 100 bilyong piso ang kakailanganin ng pamahalaan para pondohan ang pinirmahang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno, pwede namang bawasan ang budget ng ilang ahensya ng pamahalaan na may malaking pondo.


O di naman kaya ay kumurot ng konti sa pondo ng lahat ng ahensya para magamit sa pagpapatupad ng libreng tertiary education.

Bukas naman si Senate Majority Leader Tito Sotto III sa pagtapyas sa pondo ng mga ahensya na bigong gamitin ang inilaang kabuuang budget nitong mga nakalipas na taon.

Sinang-ayunan naman ni House Appropriations Committee Chair Karlo Nograles ang sinabi ni Sen. Sotto.

Sabi pa ni Nograles, mas maganda sana kung ang mga ahensya na mismo ang magkukusang magbahagi ng kani-kanilang pondo tulad na lang ng PAGCOR at PCSO kung aayon ito sa kanilang charter.

Facebook Comments