Iginiit ng Airline Operators Council (AOC) na hindi pa sila maaaring tumanggi na tumanggap ng mga pasahero na patungo at nagmumula sa South Korea sa gitna ng ipinatupad na travel ban dulot ng Coronavirus Disease-19 (COVID-19).
Ayon kay AOC President Allan Nepomuceno, obligado silang magpaalis ng mga pasahero dahil wala pa silang natatanggap na direktang utos mula sa Bureau of Immigration (BI).
Pero sakaling ipag-utos ng BI at Civil Aeronautics Board (CAB) ay handa naman aniyang tumalima ang airline companies.
Sa ngayon ay normal pa ang operasyon ng International at Local Carriers sa tatlong terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Maging ang mga nagmumula sa South Korea, dayuhan man o Pilipinong balikbayan ay pinapapasok pa sa bansa.
Una nang napagkasunduan sa Inter-agency Task Force meeting na pagbawalan munang magtungo sa South Korea ang mga Pilipinong turista habang sa mga pabalik ng Pilipinas ay hindi pahihintulutan ang mga galing sa North Gyeongsang, Cheongdo at Daegu City.