Pinaghahanda na ng ilang airline company ang kanilang mga pasahero para sa matinding holiday rush.
Sa abiso ng Cebu Pacific at Cebgo Airlines – ang mga pasahero para sa domestic flights ay dapat na dumating dalawang oras bago ang kanilang departure habang tatlong oras na mas maaga naman para sa mga babiyahe sa ibang bansa.
Matatandaang noong nakaraang linggo, naka-heightened alert na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) bilang paghahanda sa inaasahang pagbuhos ng libo-libong biyahero ngayong holiday season.
Samantala, nitong December 14 naman nang simulan ng North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) ang extended working hours ng kanilang mga traffic personnel.
Inaasahan kasi na madaragdagan ng sampung porsiyento ang bilang ng mga sasakyang daraan sa NLEX at SCTEX habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa NLEX – sa peak hours ng December 21, 22, 28 at 29 nasa higit 100 toll booths ang kanilang bubuksan partikular sa Balintawak, Mindanao Avenue, Tarlac at Bocaue.
Habang sa December 25 hanggang 27 at sa January 1 at 2 magbubukas pa sila ng mga karagdagang portable toll booths.