Ilang aktibo at retiradong pulis, handang ikanta ang nalalaman sa war on drugs

Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, may ilang aktibo at retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang handang maglahad ng kanilang nalalaman kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Barbers, marami ang nagpapadala ng feelers na maaring makatulong sa isinasawang imbestigasyon ng Quad Committee ukol sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gambling Operators, drug trafficking at umano’y extrajudicial killings sa anti-drug campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tumanggi naman si Barbers na pangalanan ang mga retirado at aktibong pulis na nagpahayag ng kahandaan na tumestigo sa quad comm.


Sinabi rin ni Barbers na bukas ang komite sa sinumang gustong magsabi ng katotohanan sa committee hearings basta wala silang hihingging kapalit.

Sa Lunes ay magkakaroon ng organizational meeting ang quad comm upang plantsahin ang mga regulasyon sa pagsisimula ng pagdinig nito sa Agosto 15 na gaganapin sa Porac, Pampanga.

Facebook Comments