Ilang alkalde sa Cagayan ang “missing in action” sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ramon sa probinsya.
Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, mayroong anim mula sa 29 na local chief executives ang wala sa kanilang munisipalidad para tumulong ng tumama ang bagyong Ramon sa kanilang lugar.
Nabatid na araw pa ng Martes ay naka-alerto na ang buong probinsya bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo.
Pero natuklasan na tatlo sa mga alkalde ay nandito sa Metro Manila habang ang tatlo pa ay nasa kapitolyo ng Tuguegarao.
Agad naman pinabalik ng gobernador ang anim na hindi pa pinangalanang mayor sa kanilang lugar.
Nitong nakaraang taon, labing anim na alkalde rin mula sa Cagayan at iba pang lugar sa Northern Luzon ang isinailalim sa imbestigasyon ng Department Interior and Local Government o DILG dahil sa pagiging missing in action sa hagupit ng bagyong Ompong.