Nagsagawa ng inspeksyon si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa ilang ayuda centers sa Metro Manila kaugnay sa pagsisimula ngayong araw ng distribusyon ng cash aid para sa mga low-income families.
Ayon kay Eleazar, pinuntahan at inalam niya ang sitwasyon sa tatlong elementary schools sa Quezon City na ginamit na ayuda centers, ito ay ang Benigno Aquino, Corazon Aquino at Balara.
Habang tumungo rin sya sa Manila High School at Marcelo Agoncillo Elementary School sa lungsod ng Maynila.
Ginawa ni PNP chief ang pag-iinspeksyon sa mga ayuda center upang masigurong mahigpit na naipapatupad ng kaniyang mga tauhan ang minimum public health protocols sa harap na rin ng pagdami ng kaso Delta variant ng COVID-19 sa bansa.
Una nang pinatitiyak ni PNP Chief sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi magiging super spreader events ang pamamahagi ng cash aid lalo’t inaasahan nilang dadagsain ito ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).