*San Mariano, Isabela-* Pansamantalang hindi muna makakadaan ang mga malalaking truck sa pangunahing tulay ng Brgy. Minanga, San Mariano, Isabela matapos itong mag-collapse bandang 9:40 kagabi.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Edgar Go ng San Mariano, bumigay ang nasabing tulay dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan kahapon na dala ng bagyong Falcon.
Kanyang nilinaw na maaari lamang dumaan ang mga light vehicles gaya ng motorsiklo at traysikel habang ipinagbabawal muna ang mga malalaking truck maging ang mga pampasaherong jeep.
Wala naman aniyang naiulat na casualty o nasaktan sa nangyaring pagguho ng nasabing tulay at pansamantala muna itong nilagyan ng barikada bilang warning device.
Sa ngayon ay gumagawa na sila ng detour na pansamantalang dadaanan ng mga mabibigat na sasakyan na galing sa iba’t-ibang barangay ng San Mariano.
Kaugnay nito, ipinarating na rin ni District Engineer Bong Obiña ng DPWH 2nd Engineering District ang nasabing insidente sa kanilang punong himpilan para sa mas mabilis na pagsasaayos sa nasirang tulay.