Dumulog sa Philippine National Police (PNP) ang ilang kakandidato sa nalalapit na Baranggay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang mga ito ay pawang nakatatanggap ng pagbabanta sa kanilang buhay.
Ani Acorda, may ilan nang lumiham sa PNP para humiling ng karagdagang security detail.
Paliwanag ng PNP chief, isasailaim muna nila sa threat assessment ang mga nagpasaklolong opisyal at handang bigyan ng karagdagang seguridad kapag nakumpirma ang banta sa kanilang buhay.
Samantala, sinabi naman ni Police Security and Protection Group Director Police BGen. Antonio Yarra, kinakailangang sumulat ang mga politiko sa PNP chief, kanilang beberipikahin ang umano’y threat, pagkatapos ay ia-assess at kapag napatunayan ay subject for approval ito ni Chief Acorda.
Sinabi ni Yarra, dapat ay 1 pulis at 1 protective agent lamang ang security ng mga pulitiko.
Pero kapag napatunayang may banta sa kanyang buhay ay saka lang ito dagdagan depende sa pangangailangan.