Pinalalakas ang kahandaan ng ilang barangay sa bayan ng Bayambang, Pangasinan laban sa sunog matapos magsagawa ng Community Fire Auxiliary Group (CFAG) Training ang Bureau of Fire Protection (BFP) Bayambang Fire Station.
Layunin ng pagsasanay na ihanda ang mga boluntaryo upang maging epektibong unang rumesponde sa mga hindi inaasahang insidente ng sunog habang papunta pa lamang ang mga bumbero sa Lugar.
Lumahok sa naturang pagsasanay ang mga kinatawan mula sa Zone 1 at Brgy. Magsaysay na kapwa nagpahayag ng kahandaang maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kanilang komunidad.
Sa isinagawang training, binigyang-diin ang mahahalagang kaalaman sa fire prevention, tamang paggamit ng fire extinguisher, at mga paunang hakbang sa pagresponde sa sunog.
Nagkaroon rin ng hands-on demonstration upang higit na palakasin ang kakayahan at kumpiyansa ng mga kalahok sa aktuwal na sitwasyon.
Mahalaga umano ang papel ng komunidad sa pag-apula ng sunog lalo na sa mga unang minuto ng insidente.
Binigyang-halaga rin sa pagsasanay ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng BFP at mga barangay upang mas mapabilis ang pag responde at pagpapalaganap ng impormasyon sa oras ng biglaang pangyayari.
Sa pamamagitan ng nasabing pagsasanay, inaasahang mas magiging handa, organisado, at maagap ang mga barangay sa pagharap sa mga insidente ng sunog. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
