Ilang barangay sa Negros Occidental at Oriental, naapektuhan ng ashfall mula sa Bulkang Kanlaon

Naapektuhan ng ashfall mula sa Bulkang Kanlaon ang ilang barangay sa Negros Occidental at Negros Oriental matapos itong pumutok kagabi.

Sa inilabas na ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naapektuhan ng ashfall ang mga barangay ng Mailum, Ma-ao, Ilijan, Bacong, at Abuanan sa Bago City; ang Sto. Guintubdan sa La Carlota City; at ang Barangay Zamora sa Pontevedra na matatagpuan lahat sa Negros Occidental.

Samantala, naranasan din ang nasabing ashfall sa Barangay Cabagnaan sa La Castellana at mga Barangay Linothangan, Malaiba, at Pula sa Canlaon City, Negros Oriental.

Ayon pa sa ulat ng PHIVOLCS, lumikha ng shock wave ang nasabing pagsabog ng bulkan kung saan nakapagtala ang infrasound station ng maximum na 204 Pascals limang kilometro sa silangan ng bunganga ng bulkan.

Kaugnay nito, ang malakas na ugong ay narinig sa loob ng anim na kilometrong radius.

Dahil dito, nagbigay ng abiso ang PHIVOLCS sa mga residente na iwasan ang pagpasok sa Permanent Danger Zone sa paligid ng bulkan at manatili sa mga evacuation center na itinalaga ng lokal na pamahalaan.

Facebook Comments