Simula bukas, May 13, isasailalim sa 14-day ‘Special Concern Lockdown’ ang mga barangay sa Quezon City na may mataas pa ring kaso ng COVID-19.
Katunayan, bumuo na ng team ng mga quarantine officers ang Quezon City Local Government na siyang magmo-monitor sa mga barangay.
Kabilang sa miyembro ng binuong Quezon City Laban sa COVID-19 team ay mga tauhan ng City Health Department, Quezon City Police District (QCPD), Special Action Force (SAF) at Armed Forces of the Philippines Joint Task Force-National Capital Region.
Ayon kay Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo, itatalaga sila sa mga lockdown areas upang matiyak na nasusunod ang quarantine procedures.
Ang pagpili sa mga lugar na ilalagay sa Special Concern Lockdown ay ibabase sa test results na isinagawa ng City Health Department at QC-Epidemiology and Surveillance Unit.
Nabatid na may inisyal nang limang areas ang natukoy para ipatupad ang lockdown.