Matapos malubog sa baha, nabalot naman ng sangkaterbang putik ang ilang lugar sa Batangas.
Sa Lemery, halos mabalot ng putik ang kalsada sa Barangay Palanas at ang kahabaan ng Barangay Ayao-Iyao papuntang Agoncillo.
Gumamit na ng backhoe ang mga responder para maalis ang putik.
Sa bayan naman ng Laurel, bukod sa putik, humambalang din sa kalsada ang mga putol na punongkahoy matapos ragasain ng baha.
Sa Agoncillo, halos binti ang taas ng putik sa ilang kalsada na nagpapahirap sa paghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Siyam ang naitalang nasawi sa nasabing bayan, tatlo rito ay sa Barangay Banyaga; dalawa sa Barangay Subic Ibaba; dalawa rin sa Subic Ilaya at tag-isa sa Barangay Panhulan at Bilibinwang.
Habang sa bayan ng Talisay, umakyat na sa 18 ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring landslide sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Ayon kay Talisay Mayor Nestor Natanauan, dakong alas-sais kagabi nang matagpuan ang apat pang bangkay sa Barangay Sampaloc.
Nagpapatuloy rin ang clearing operation sa lugar kung saan nalubog din sa putik ang ilang mga bahay at sasakyan.
Isinailalim na sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Batangas.