Ilang bayan sa Cagayan, nananatiling isolated

Tatlong bayan pa rin sa Cagayan ang nananatiling isolated hanggang sa mga oras na ito.

Ito ay dahil sa bahang idinulot ng Bagyong Ulysses at ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na ang Alcala, Amulung at Baggao ay hindi pa rin mapasok ng rescuers by land kung kaya’t inihahatid ang mga tulong sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng air asset ng pamahalaan.


Sinabi pa ni Gov. Mamba na unti-unti na ring humuhupa ang baha sa malaking bahagi ng Cagayan at sa katunayan, mula sa 13.1 meters na taas ng tubig, sa ngayon ay nasa 8.3 meters na lamang ang taas ng baha.

Halos lahat aniya ng national highway ay nadadaanan na at tanging ang ilang mga secondary highway na lamang ang nananatiling unpassable.

Wala na rin aniyang rescue operations na isinasagawa ngayon sa Cagayan dahil puro relief operations na lamang.

Karamihan din ani Gov. Mamba sa mga bakwit ay nagsibalik na sa kani-kanilang mga tahanan.

Ngayong araw hanggang bukas ay idineklara ng Cagayan government bilang “linis day” kung saan counted pa rin ang 2 araw bilang working day para makatulong sa mga naapektuhang mga residente.

Facebook Comments