ILANG BAYAN SA ISABELA, NAKATAAS SA TROPICAL CYCLONE WIND SIGNAL NO. 1 DAHIL SA BAGYONG LEON

Cauayan City – Hindi pa man tuluyang nakakarekober mula sa pananalasa ni bagyong Kristine, muling sumailalim sa TCWS No. 1 ang ilang bayan sa Isabela dahil naman kay Bagyong Leon.

Bandang alas onse nga kagabi, ika-27 ng Oktubre ng tuluyang ideklara ang ilang bayan sa lalawigan ng Isabela, kabilang na ang bayan ng Maconacon, Divilacan, San Pablo, Ilagan City, Cabagan, Tumauini, Palanan, San Mariano, at Dinapigue na sasailalim sa signal no. 1.

Dahil dito, muling ipatutupad ang ilang ordinansa sa mga nabanggit na bayan tulad ng Liqour Ban Policy kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paglalako, pag-bili, at pag-inom ng nakalalasing na inumin.


Maliban dito, mahigpit ding ipinagbabawal ngayon sa mga coastal areas ang paglalayag o pagpapalaot ng anumang sasakyang pandagat, maging ang paglangoy at iba pang aktibidad sa mga ilog at baybaying dagat.

Samantala, patuloy naman ang pagkilos ng bagyong Leon pakanluran kaya’t inaabisuhan ang lahat na manatiling nakaantabay sa mga babala at paalala kaugnay sa bagyo.

Facebook Comments