Pansamantalang mawawalan ng kuryente ang ilang bayan sa Pangasinan sa darating na Sabado, Disyembre 20, mula alas-5 hanggang alas-7 ng umaga dahil sa maintenance work sa Labrador Substation.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), layunin ng aktibidad na ihiwalay ang jumper loop sa structure two upang ligtas na maikabit ang bagong 69-kilovolt voltage transformer.
Apektado ng brownout ang buong bayan ng Binmaley, Lingayen, Bugallon, Aguilar, Mangatarem, at Urbiztondo, maliban sa mga barangay ng Pasibe East, Pasibe West, Balangay, Duplac, Batangcaoa, Malaca, at Bituag.
Paalaala ng NGCP, posibleng maibalik ang kuryente nang mas maaga kaysa sa itinakdang oras, kaya pinapayuhan ang publiko na ituring na may kuryente ang mga linya at kagamitan sa lahat ng oras para sa kaligtasan.
Humingi rin ang NGCP ng paumanhin sa abalang idudulot ng corrective maintenance.









