ILANG BAYAN SA PANGASINAN, PATULOY NA APEKTADO NG KAWALAN NG INTERNET DAHIL SA BAGYONG UWAN

Patuloy na nakararanas ng kawalan ng koneksyon sa internet at mobile services ang ilang bayan sa Pangasinan matapos ang epekto ng Bagyong Uwan.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC), at mga pangunahing telecommunications company, isinasagawa na ang agarang restoration ng mga linya na nasira dahil sa mga nagtumbahang puno at poste ng kuryente.

Batay sa ulat ng DICT noong Nobyembre 10, alas-7 ng gabi, tuloy-tuloy na ang pagbabalik ng koneksyon sa ilang lugar sa probinsya, bagaman may ilang barangay at bayan pa ring limitado ang serbisyo. Kabilang sa mga naapektuhang bayan ang Mangaldan at Agno.

Sa kabuuan, umabot na sa 67% ang network availability ng DITO, 58% sa Globe, 74% sa Smart, at 52% sa Converge.

Siniguro naman ng mga awtoridad sa publiko na ganap na maibabalik ang internet at mobile services sa buong lalawigan sa mga susunod na oras o araw habang nagpapatuloy ang restoration efforts.

Facebook Comments