Ilang bayan sa Samar, lubog na sa baha dahil sa Bagyong Bising; mga indibidwal na stranded sa mga pantalan sa Visayas at Mindanao, umakyat na sa halos 3,000

Lubog na sa baha ang ilang kabahayan sa Samar Island dahil sa Bagyong Bising.

Nabatid na umabot hanggang ikalawang palapag ang tubig-baha sa bayan ng Jipadpad sa Eastern Samar gayundin ang ilang bahay sa Gamay, Northern Samar.

Habang suspendido naman ang pasok sa trabaho sa Mapanas at Palapag sa Northern Samar dahil sa masamang panahon dulot ng bagyo.


Kaugnay nito, pansamantalang ipinasara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bureau of Maintenance ang ilang kalsada sa Eastern Samar kabilang ang mga daan sa Brgy. Binaloan sa Taft, Barangay Bigo sa Arteche at Barangay Catmon sa Naval dahil sa pagbaha at posibleng pagguho ng lupa.

Dahil dito, pinayuhan ng ahensya ang mga motorista na dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng aerial at ground patrol ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para alamin ang lawak ng pinsala ng Bagyong Bising sa Eastern Visayas.

Samantala, batay sa huling tala ng Philippine Coast Guard, umakyat na sa 2,992 ang bilang ng mga pasahero, truck drivers at cargo helpers na stranded sa mga pantalan sa Eastern Visayas, Bicol region, Central Visayas, at North Eastern Mindanao Region.

Facebook Comments