ILANG BEACHGOERS SA PANGASINAN, HINDI NAGPAAWAT SA KABILA NG BANTA NG BAGYONG NANDO

Hindi nagpaawat ang ilang beachgoers sa pagbisita sa ilang baybayin sa kabila ng nakataas na tropical cyclone wind signal sa lalawigan kahapon.

Sa San Fabian beach, kapansin-pansin ang dami pa rin ng mga naliligo sa dagat kasabay ng papalaot ng ilang mangingisda.

Ayon kay Rodel, isang mangingisda, wala pa umanong naibababa sa kanilang abiso na pumipigil sa kanilang pumalaot kaya tumuloy pa rin sa laot ang iba sa kapwa nito mangingisda.

Kapansin-pansin din ang dami ng bumisita sa Tondaligan Beach sa Dagupan City kasama ang kanilang kaanak sa tirik na araw.

Patuloy naman na nakaantabay ang mga lifeguards para tiyakin ang kaligtasan ng mga bisitang naliligo sa dagat.

Kahapon, patuloy pang lumakas ang Bagyong Nando dahilan upang maabot nito ang Super typhoon category.

Sa ngayon, pinaigting pa ang paghahanda at koordinasyon ng awtoridad at pagbibigay abiso sa publiko para sa posibleng epekto ng Bagyo sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments