Ilang benipisyaryo ng Social Amelioration Program, hindi pa rin nakukuha ang second tranche ng ayuda

Inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilan pang benipisiyaryo ang hindi pa nakakatanggap ng second tranche ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje na karamihan sa mga ito ay hindi pa nabibigyan ng ayuda dahil sa pagpapasa ng kulang-kulang at maling impormasyon.

“Kasalukuyan pong ni-reprocess itong medyo kulang at may diperensya ang kanilang naipasang impormasyon. Pero under process na rin po. Sa katunayan nga po, early this week at noong isang linggo may mga nai-release na rin pong paunti-unti iyong mga na-validate at naiayos nang information ay patuloy nang naibahagi sa kanila ang second tranche.” ani Paje


Sa kasalukuyan, 13.9 million o nasa 98 percent na ng mga benipisyaryo ang nakatanggap ng second tranche ng SAP.

Samantala nagpapatuloy din ang repacking at distribution ng DSWD ng family food packs para sa mga sinalanta ng Bagyong Ulysses.

Ayon kay Paje, nasa P3.9 milyong halaga na ng relief goods ang naipamahagi ng ahensya sa mga biktima ng bagyo.

Nasa 1,400 food packs ang naipamahagi sa Marikina habang 1,000 food packs at 250 piraso ng sleeping kits sa Quezon City.

Nasa 2,000 food packs din ang natanggap ng mga taga-San Mateo at Rodriguez, Rizal.

“Tuloy po tayong magbibigay ng mga relief goods at relief packages sa iba’t ibang lugar na nasalanta. Kasalukuyan, patuloy ang pagre-repack patuloy ang pag-distrubute ng ating National Resource Operation Center sa iba’t ibang area dito sa NCR at karatig probinsya na nasalanta ng bagyo.” paliwanag ni Paje.
.

Facebook Comments