
Fully booked na ang ilang biyahe ng mga shipping line sa Batangas Port dalawang araw bago mag-Pasko.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), kabilang dito ang mga biyahe ng 2GO, Montenegro, at Starlight, na puno na sa kapasidad.
Sinabi ni General Manager Jay Santiago na isa sa pangunahing problema nila sa ganitong panahon ay ang kakulangan ng barko.
Kaya agad niyang inatasan si Batangas Port Manager Aurora Mendoza at lahat ng shipping lines na tiyaking bibigyan ng ticket ang mga pasahero at malinaw ang nakasaad na araw at oras ng kanilang biyahe.
Na-monitor ng PPA ang labis na haba ng pila at kumpulan ng mga pasahero para lamang makakuha ng ticket at makasakay.
Dahil sa kakulangan ng ticket, naglipana ang mga modus gaya ng mga fixer na nag-o-offer ng biyahe, kaya nagbabala si Santiago sa mga tauhan ng pantalan na agad tukuyin at aksyunan ang mga mapapatunayang sangkot sa pananamantala sa mga mananakay.
Sa datos ng PPA, naitala noong December 20 ang 346,341 na pasahero, habang umabot naman sa 365,648 ang bilang ng mananakay noong December 21.
Inaasahan ng PPA na aabot sa 4.6 milyong pasahero ang makakagamit ng mga pantalan sa buong bansa mula December 20, 2025, hanggang January 5, 2026.









