Ilang BPO companies sa Cebu, pinasasampahan ng kaso

Pinasasampahan ni Senator Raffy Tulfo ng kaso ang ilang BPO o Business Process Outsourcing companies sa Cebu.

Ito ay dahil inilagay umano sa panganib ng mga kumpanya ang buhay ng kanilang mga empleyado matapos ang pagyanig ng 6.9 magnitude na lindol sa lalawigan.

Sa pagdinig ng Senado ay tinukoy ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Labor, ang mga sumbong na sa gitna ng lindol ay hinarangan ang emergency exit ng BPO office para hindi makalabas ang mga empleyado at may ilang kumpanya na pinilit na bumalik agad sa trabaho ang kanilang mga staff kahit hindi pa ligtas at may mga aftershocks.

Nang malaman ng senador ang ginawang ito ay uminit ang kanyang ulo dahil mas prayoridad pa ng mga kumpanya ang kita kaysa sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado.

Para mapanagot ang mga kumpanyang ito ay binanggit ni Tulfo ang mga batas na posibleng nilabag: ang Department of Labor and Employment (DOLE) Labor Advisory No. 17, Series of 2022, at DOLE Department Order No. 252, Series of 2025, na nagsasaad na unahin ng mga kumpanya ang kaligtasan ng mga empleyado at kilalanin ang karapatan ng mga manggagawa na tumanggi sa trabaho lalo na kung may panganib sa lugar.

Samantala, agad namang inisyuhan ng DOLE Region 7 ng pagpapatigil sa operasyon ng anim na BPOs sa Cebu.

Facebook Comments