Manila, Philippines – Inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtaas sa presyo ng ilang brands ng kape, gatas at patis.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, mararamdaman ang taas singil sa ilang brands ng kape, gatas at patis sa kalagitnaan ng Hulyo.
Nabatid na nasa P0.50 hanggang P2 kada lata ang dagdag-presyo sa mga brands ng gatas na Alaska, Alpine, Carnation, Cow Bell, at Liberty.
Tataas naman ng P1 ang kada pakete ng Kopiko Black 3-in-1 na kape.
Habang nasa P0.50 hanggang P0.85 naman ang dagdag-presyo sa kada pakete ng Lorins Patis.
Paliwanag ni Castelo kinakailangan pa kasi anyang mailathala sa pahayagan ang bagong halaga ng nasabing mga bilihin.
Dahil sa Hulyo pa ipatutupad ang taas-presyo sa ilang mga produkto sinabi ni Castelo na dapat sundin pa rin ng retailers ang suggested retail price o SRP noong May 4.