*ISABELA- *Nanganganib na masibak sa pwesto ang ilang mga barangay Kapitan dito sa Lalawigan ng Isabela.
Ito’y matapos na makarating kay Under Secretary Martin Diño ng DILG ang umano’y pakikialam ng ilang mga Brgy. Captain sa pangangampanya ng mga kandidato para sa May 13 midterm elections.
Ayon kay Usec Diño, may mga ilang concerned citizen na ang pormal na nagharap ng reklamo laban sa ilang kapitan ng Ilagan City at Tumauini, Isabela kaugnay sa kanilang personal na pakikialam sa nalalapit na eleksyon.
Ilan sa mga reklamo ay tungkol sa paghahakot ng mga barangay Kapitan ng mga tao upang sumali sa mga motorcade ng kanilang mga sinusuportahang kandidato, pananakot sa mga botante at iba pang paraan ng panggigipit sa mga botante.
Giit ni Diño, wala umano silang sasantohin sa mga ito dahil kailangan anya nilang maghigpit at susunod sa kautusan ng Pangulong Duterte at ni DILG Sec. Eduardo Anio na dapat ay hayaan at maging malaya ang mga mamamayan na makapili sa kanilang nais na manungkulan sa kanila.
Banta pa ng nasabing opisyal, kapag mapatunayang may matinding dayaan ngayong halalan ay maaaring magdeklara ang Pangulo ng Failure of Election at tatanggalin ang lahat ng nakaupo sa pwesto.
Hinikayat din ni Diño ang mga mamamayan na idokumento ang mga ginagawang pagmamalabis sa kapangyarihan ang mga opisyal ng barangay upang may magamit ang mga ito na ebidensiya para sa paghaharap ng kaukulang kaso laban sa mga ito.
Hinimok rin nito na magsumbong sa kanilang tanggapan kung may mga nakikitang katiwalian at pang-aabuso ng mga opisyal ng barangay sa kani- kanilang mga lugar.
Dagdag pa nito na kahit tapos na ang eleksyon kung may nagreklamo sa mga barangay opisyal kaugnay sa halalan sa Mayo a trese ay tuloy parin anya ang imbestigasyon ng mga ito.