Ilang “Build, Build, Build” projects, hiniling na ituloy sa kabila ng quarantine

Hinimok ni Asst. Majority Leader at Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ituloy ang ilang piling Build, Build, Build (BBB) projects kaakibat ng mahigpit na pagpapatupad sa quarantine guidelines.

Paliwanag ni Castelo, kailangan na samantalahin ng pamahalaan ang natitirang araw sa tag-init para ituloy ang mga nabinbing proyekto sa ilalim ng BBB program.

Giit ni Castelo, mayroon pang natitirang panahon sa Mayo hanggang Hunyo para ituloy ang mga public works activities bago pa magsimula ang tag-ulan.


Aniya, tiyak na babagal ang implementasyon ng mga infrastructure programs sa oras na sumapit ang rainy season.

Sinabi ng Lady Solon na makapagbibigay ng kita at trabaho sa mga nawalan ng hanapbuhay ang pagpapatuloy sa mga BBB projects at paraan din ito sa unti-unting pagsisimula ng ekonomiya ng bansa.

Sa oras na mag-resume ang ilang piling BBB projects ay oobligahin muna ang mga contractors na isailalim sa test ang mga manggagawa at tauhan sa COVID-19 test at pinatitiyak ang mahigpit na pagsunod sa social distancing sa trabaho at iba pang ECQ protocols.

Mahaharap naman sa suspensyon ng proyekto at multa ang mga contractors na hindi susunod sa hinihinging requirements ng IATF.

Facebook Comments