Labindalawang bayan sa Pangasinan ang sasailalim sa aerial survey para sa natural hydrogen exploration bilang energy source, sa ilalim ng service contract ng Department of Energy.
Sa ginanap na regular session ng Sangguniang Panlalawigan noong Pebrero 16, ipinresenta ng tanggapan ang kontrata upang ipagbigay-alam ang gagawing pananaliksik.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Lambino, Phase 1 pa lamang ang exploration at wala pang extraction at commercial utilization o viability ng hydrogen sa lalawigan.
Karamihan sa mga exploration area ay matatagpuan sa mga bulubunduking bahagi ng ikalawang distrito, gayundin sa ilang lugar sa ikatlo at unang distrito ng Pangasinan. Kabilang din sa saklaw ang tatlong bayan sa Zambales at isang lugar sa Tarlac.
Ayon kay Lambino, may mga pananda o indicators ang DOE sa mga nabanggit na lugar, tulad ng pagkakaroon ng ilang mineral deposits o ophiolites. Isa rin umanong naging batayan sa Pangasinan ang Manleluag Hot Spring sa Mangatarem.
Kaugnay nito, maituturing na non-invasive ang naturang kontrata sapagkat exploration pa lamang ang isasagawa. Gayunman, magkakaroon ng hiwalay na proseso ng pag-endorso sakaling umusad sa testing ang mga aktibidad ng DOE. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










