Pagsasama-sama ng pamilya ang pangunahing hiling ng ilang debotong dumalaw sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag habang papalapit ang Pasko.
Sa pagbisita ng IFM News Dagupan sa Manaoag, inilahad ng ilang mananampalataya na hindi na lamang pansariling kahilingan ang kanilang ipinagdarasal kundi ang kapakanan ng buong pamilya, habang ang iba naman ay nag-alay ng pasasalamat.
Tulad ni Erwin Villanueva, umaasa siyang makumpleto ang kanilang pamilya at magkaroon ng salu-salo sa noche buena.
Samantala, si Raquel na mula pa sa Pampanga, hiling naman ang mabuting kalusugan para sa kanyang pamilya ngayong kapaskuhan.
Isang araw bago ang pasko, patuloy ang pagdagsa ng mga deboto sa Manaoag na umaasang maisabuhay ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pananampalataya, pagbibigayan, at pagnanais ng kabutihan para sa kapwa.









