Inihayag ng pamunuan ng Antipolo City Government na agad na ipinasara ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Antipolo City ang ilang business establishments na nahuli sa aktong lumalabag sa mga ipinatutupad na minimum public health protocols ng Department of Health (DOH).
Ayon sa ipinost sa social media ni Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, kahapon ay nagsagawa ng surprise inspection ang mga official at tauhan ng BPLO sa kahabaan ng Manuel Luis Quezon Street, Antipolo City sa lalawigan ng Rizal kung saan nagulat ang ilang negosyante nang mahuli sila sa akto na hindi nagsusuot ng face masks at hindi nasusunod sa physical distancing.
Paliwanag ng alkalde, bukod sa walang suot na face mask ang kanilang mga empleyado, nahuli rin sa akto ang mga business establishment na walang ginagamit na thermal scanner, walang sanitizers at disinfectants.
Dahil dito pinad-lock ng BPLO at nilagyan ng paskil na may nakasaad na “The establishment is closed by the City Government of Antipolo” ang mga pwesto ng Rice Wholesale and Retails, Cassielle Bakeshop, Palawan Express Pera Padala at Green Wealth Poultry Farm Supply.
Dagdag pa ni Mayor Ynares, hindi na nila pinagmulta ang mga pinasarang violators at papayagan itong makapag-operate muli kung mapatutunayang kaya na nilang sumunod sa mga health and safety protocols ng DOH.