Ilang Chinese national, nabistong iligal na nagtatrabaho sa Manila Bay

Courtesy: Philippine Coast Guard

Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi deklarado bilang crew ang mga indibidwal na naaresto sakay ng MV Sangko Uno sa Navotas Port.

Ayon kay Lt. Commander Michael John Encina, wala sa listahan ng mga tripulante ng barko ang mga indibidwal na binubuo ng pitong Chinese nationals at isang Filipino-Chinese.

Kasama naman sa inaresto ang dalawang Pinoy na nagsisilbing Master at Second Mate ng barko.


Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakarehistro sa Pilipinas ang MV Sangko Uno at nagsasagawa ng dredging at dumping activity sa Mindoro at Manila Bay.

Sumampa umano ang mga ito ng barko upang tumulong sa dredging operations pero hindi sila pwedeng magtrabaho dahil tourist visa lamang ang kanilang hawak.

Sa ngayon, nananatili sa Coast Guard detention facility ang mga inaresto at nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso.

Una nang sinabi ng PCG na sakaling mapatunayang lumabag ang mga ito sa batas ng immigration sa Pilipinas ay agad silang isasailalim sa deportation.

Facebook Comments