Inihayag ng Bureau of Quarantine (BOQ) na ilang Chinese nationals na dumating sa Pilipinas ang nagpositibo sa COVID-19 at kasalukuyang naka-isolate.
Ayon kay BOQ Deputy Director Roberto Salvador Jr., maraming Chinese ang dumating sa bansa subalit tanging ang hindi nakakumpleto ng bakuna lamang ang required na sumailalim sa COVID-19 testing.
Hindi naman ibinigay ni Salvador ang eksaktong bilang ng biyahero galing China na nagpositibo sa virus pero kaunti lamang aniya ang mga ito.
Sa kasalukuyan, ang inire-require lamang sa foreign travelers na hindi fully vaccinated laban sa COVID-19 ay ang negatibong pre-departure antigen o RT-PCR test results bago bumiyahe o pagdating sa Pilipinas.
Samantala, dadalhin ang mga sample mula sa COVID-positive travelers sa Philippine Genome Center upang matukoy ang variant ng virus.
Nagbaba naman ng direktiba ang Department of Health (DOH) sa BOQ na paigtingin ang quarantine protocols sa mga biyahero galing China sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 cases doon.