ILANG COASTAL AT LOW-LYING AREAS SA DAGUPAN CITY, NAKARANAS NG HANGGANG BEWANG NA BAHA DULOT NG BAGYONG UWAN

Nagdulot ng hanggang bewang na baha ang bagyong Uwan sa ilang coastal at low-lying areas sa Dagupan City, kung saan ilang residente ang kinailangang tumulong sa isa’t isa para makaligtas.

Isa na rito ang isang lalaking nagmalasakit na alalayan ang kanilang kapitbahay na lolo matapos tumaas ang tubig sa kanilang lugar.

Pinakaapektado ang ilang island barangays gaya ng Pugaro, Carael, at Calmay, pati na ang mga komunidad sa Pantal, Bonuan, at iba pang parte ng lungsod.

Gabi nang dumaan ang bagyo kaya marami ang hindi agad nakapansin sa mabilis na pagtaas ng tubig papasok sa mga kabahayan.

Marami sa mga residente ang napilitang humingi ng saklolo sa rescue teams gamit ang kanilang social media accounts.

Samantala, malalakas na bugso ng hangin naman ang tumama sa lungsod na nagpatumba sa ilang puno.

Humina rin ang signal sa ilang lugar, dahilan para mas maging hamon ang paglikas at pagresponde.

Habang patuloy na lumalabas ang mga impormasyon tungkol sa pinsala, pinabulaanan naman ng isang electric provider company ang kumalat na post sa social media ukol sa umano’y nakuryenteng kabataan sa lungsod.

Sa gitna ng pagbaha, ilan sa mga residente ang nailikas nang mas maaga sa pamamagitan ng preemptive evacuation na isinagawa ng mga awtoridad at ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa mga itinalagang evacuation centers.

Facebook Comments