URDANETA CITY, PANGASINAN – Umabot sa pangalawang alarma ng sunog matapos matupok ang ilang Commercial Residential Spaces malapit sa pamilihang bayan na bahagi ng Brgy Poblacion, Urdaneta City, ika 10 ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Sa naging panayam ng iFM Dagupan kay Fire Marshal Senior Inspector Michael John Escanio, agad na ipinag-bigay alam ng isang concerned citizen sa tanggapan ng BFP Urdaneta City ang nasusunog na mga pwesto sa pamilihan na agad namang nirespondehan ng tropa ng BFP sa lugar.
Aniya, nasa ilalim pa ng imbestigasyon ang sanhi ng sunog ngunit napag-alaman naman na sa ikalawang palapag ng pamilihan ang pinagmulan ng sunog.
Dagdag pa niya,tinatayang nasa P500, 000 naman ang estimated na halaga ng natupok.
Wala naman umanong nagtamo ng malubhang sugat at tanging minor injuries lang ang natanggap ng ilang bumbero sa incident subalit kabilang din sa natupok ang ilang parte ng dalawang tricycle na nakaparada sa lugar gayundin ang isa pang 4-wheels na sasakyan.
Samantala, bukod sa BFP Urdaneta, tumulong din sa operasyon ang ilang tropa ng bumbero mula sa karatig bayan ng lungsod ang mga bayan ng Villasis, Binalonan, Sta. Barbara, Laoac, Ilang Fire Brigade ng Rosales Action Group at marami pang iba.