
Inirekomenda ni Senator Raffy Tulfo ang pagpapa-blacklist sa ilang contractor na nakakuha ng mga proyekto sa pagtatayo ng mga silid-aralan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Tulfo na palpak at non-performing ang ilan sa mga contractor sa iba’t ibang proyektong nakuha nila mula sa pamahalaan.
Tinukoy ng senador ang BF Corporation, na iti-terminate ng Department of Transportation (DOTr) ang kontrata para sa construction ng Unified Grand Central Station ng mga linya ng MRT dahil sa pagkaantala ng proyekto.
Isa pa sa mga pinangalanan ang Vicente T. Lao Construction Company, na winning bidder din sa pagpapatayo ng mga classroom. Naungkat na nasita ang kumpanya noong September 2025 kaugnay ng General Santos City underpass project na hindi matapos-tapos at may mga ulat ng potholes, tagas ng tubig, at hindi pantay na daanan.
Pinag-iingat din ng mambabatas ang pamahalaan sa DMCI, na naireklamo umano dahil sa pamemeke ng mga dokumento, dahilan upang may ilang condo owner ang humihiling ng refund.
Tiniyak naman ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Ronald Mendoza na mayroon na silang listahan ng mga contractor na inireklamo. Aniya, on going na ang audit sa lahat ng contractor ng mga classroom, at inamin na may mga naitayong silid-aralan na hindi pumasa sa itinakdang pamantayan ng ahensya.










