Halos puno na ang ilang COVID-19 referral hospital sa Metro Manila bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga nagkakasakit dahil sa nasabing virus sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, kinumpirma ni Philippine General Hospital Spokesperson Jonas Del Rosario na hindi na sila tumatanggap ng mga pasyenteng asymptomatic at mild cases.
Ayon kay Del Rosario, halos full capacity na ang kanilang mga kama kung saan nasa 172 na ang COVID-19 patients na na-admitted sa PGH.
Bukod sa PGH, nasa full capacity na rin ngayon ang COVID ward ng San Lazaro Hospital habang nakapagtala na ang Department of Health ng labing isang ospital sa Metro Manila na puno na rin ang mga Intensive Care Unit (ICU) beds.
Kahapon, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 50,359 COVID-19 cases sa bansa kung saan 12,588 rito ang recoveries at 1,314 ang fatalities.