Ilang COVID-19 survivors na nagbebenta ng kanilang blood plasma laban sa COVID-19, ilegal ayon sa DOH-7

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa Central Visayas sa mga ospital laban sa pagpoproseso ng blood plasma ng COVID-19 survivors at pinagkakakitaan ito.

Ayon kay DOH Region 7 Spokesperson Dr. Mary Jean Loreche, nakatanggap sila ng ulat na may ilang mapagsamantalang indibidwal na gumaling sa COVID-19 na ibinebenta ang kanilang blood plasma sa mga pasyenteng nangangailangan sa Cebu City.

Aniya, ang isang bag ng plasma ay ibinebenta sa halagang ₱20,000 hanggang ₱80,000, taliwas sa isinusulong na programa ng Pamahalaan na boluntaryong blood donation.


Ang mga barangay na kanilang na-monitor na mayroong ganitong insidente ay sa Sitio Sapatero sa Barangay Luz kung saan mayroong 147 recovered patients.

Pero itinanggi ni Barangay Luz health worker na si Arlene Monsato na pinagkakakitaan ng ilang COVID-19 survivors ang pagbebenta ng kanilang blood plasma.

Gayumpaman, iginiit ng DOH na ang pagbebenta ng blood plasma o iba pang organs sa pasyente ay ilegal.

Pinayuhan din nila ang mga ospital na huwag iproseso ang plasma transfusion ng mga ilegal na nakipagtransaksyon sa COVID-19 survivors.

Facebook Comments