Sang-ayon ang ilang residente ng Dagupan City sa pinalawak na programa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga Paglabag sa batas gaya na lamang ng Pag-iinom ng alak sa kalsada.
Ito ay matapos iulat ng ahensya noong Lunes, Abril 6, ang plano nitong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para paigtingin ang community ordinances.
Kabilang sa mahigpit na ipatutupad ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa lansangan at iba pang pampublikong lugar alinsunod sa Anti-Public Intoxication Act.
Sang-ayon naman sa programa ang ilang Dagupeño katulad ni Mang Danilo Gomez ng Barangay Poblacion Oeste dahil makatutulong umano ito para masigurong ligtas ang mga bata at kabataan sa kanilang lugar.
Dagdag naman ng isa pang residente na si Mark, madalas umanong nauuwi sa gulo ang paglalasing sa kalsada, kaya nararapat lamang ang mas mahigpit na pagpapatupad.
Pinahayag pa ng DILG, mahigpit din nilang ipagbabawal ang paglalakad nang walang suot na pang-itaas sa pampublikong lugar.
Mahigpit ding ipatutupad ang curfew sa mga menor de edad at paglilimita sa paggamit ng videoke hanggang alas-10 ng gabi maliban kung may permit na isusumite o ipapakita at kung may espesyal na okasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










