Ilang DDS group, pinasalamatan ni Mayor Isko Moreno

Nagpapasalamat si Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga indibidwal at grupo na nabibilang sa Diehard Duterte Supporters (DDS) sa suportang ibinibigay sa kanya.

Matapos na matanggap ang ‘manifesto of support’ na ibinigay sa kanya ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC), isang malaking nationwide volunteer group na kilalang tumulong upang maluklok sa puwesto si Pang. Duterte noong 2016 presidential elections, pinasalamatan sila ni Moreno at ang iba pang DDS groups at mga indibidwal na boluntaryong tumutulong upang maisulong ang kanyang kandidatura.

Ilan daw kasi sa mga ito ang nagsi-share at nagpapaliwanag sa mga kaibigan nila sa YouTube at sa FB kaya’t papaano ay nakikilala ang alkalde.


Iginiit pa ni Mayor Isko na hindi lang kandidato ang dapat na nangangampanya kung saan mas malaki ang tsansa ng kandidato na manalo kapag maraming nangangampanya para sa kanyang kandidatura.

Samantala, nagpahayag naman ng pag-asa si Moreno na maging ang PDP-Laban wing ni Energy Secretary Alfonso Cusi ay susuporta rin sa kanyang kandidatura, ngayon na walang presidential candidate na kakatawanin ang kanilang partido.

Aniya, kung wala namang Presidente ang PDP-Laban, baka puwedeng siya na lamang at kung matutulungan ay kaniya itong ipagpapasalamat.

Una nang sinabi ni MRRD-NECC president, na si dating Agrarian Secretary John Castriciones na bagama’t hindi inaasahang magdedeklara ng suporta ang pangulo sa kandidatura ni Mayor Isko ay umaasa pa rin sila na gagawin niya ito.

Facebook Comments