Ilang insidente ng pagkahilo at pagkahimatay sa mga debotong nagtutungo sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag sa Pangasinan ang naitala nitong mga nakalipas na araw, sa gitna ng matinding init ng panahon.
Ayon kay Manaoag Mayor Dr. Jeremy Agerico Rosario, may ilan ding nakaranas ng pagtaas ng presyon ng dugo, partikular noong nakaraang linggo.
Dahil dito, plano ng lokal na pamahalaan na maglaan ng karagdagang medical assistance area sa loob ng basilica.
Makikipagpulong ang alkalde sa pamunuan ng simbahan upang hilingin ang isang air-conditioned na lugar na maaaring paglagyan ng mga medical responder para sa agarang pag-asikaso sa mga debotong nangangailangan ng tulong.
Samantala, patuloy ang pagdedestino ng mga medical responder tuwing Sabado, Linggo at mahahalagang aktibidad ng simbahan.
Pinayuhan din ng alkalde ang publiko, lalo na ang mga bata, matatanda at may karamdaman, na umiwas sa matagal na pagbibilad sa araw mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.
Pinaalalahanan din ang mga deboto na uminom ng sapat na tubig at agad humingi ng tulong medikal kapag nakaranas ng pagkahilo o panghihina. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







