Para ipakita na ligtas at walang problema ang pagkain ng baboy, nagsagawa ng convention ang ilang mga kinatawan ng Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), at samahan ng pork producers sa pangunguna ng AGAP Party-list.
Sa nasabing convention na “Pork is Safe to EAT” sa Pasay City, sabay-sabay na kumain ng mga produktong karne ng baboy ang mga opisyal at mga indibidwal na dumalo dito.
Iginiit ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones na wala naman talagang epekto sa kalusugan ng tao ang nasabing sakit kaya’t sa pamamagitan nito ay mahihikayat ang publiko na kumain ng karne ng baboy.
Kaugnay nito, kumpiyansa si Briones na muling tatangkilikin ng taumbayan ang produktong karne ng baboy sa pagpasok ber months.
Lalo na’t posibleng makatulong ang pagdating ng bakuna laban sa nasabing sakit kung saan humina ang bentahan ng produktong baboy dahil sa takot ng publiko sa African Swine Fever o ASF.
Dahil dito tiwala ang mambabatas na babalik ang malakas na bentahan ng baboy sa merkado ngayong holiday season.