Nagsagawa ng “protest action” ang ilang mga digital advocate sa harap ng Korte Suprema ngayong araw.
Ito ay para hilingin sa korte na aksyunan na ang petisyon na nagpapabasura sa SIM Card Registration Act.
Kabilang sa mga nagkilos-protesta ang Agham Youth, Junk SIM Registration Network, at iba pang digital experts at privacy advocates.
Ayon kay Kim Cantillas, pinuno ng Computer Professionals’ Union, may merito ang iginigiit nilang unconstitutionality ng SIM Registration Act kaya marapat lamang na idaan ito sa bukas na talakayan ng mga mahistrado.
Iginigiit din ng mga petitioner na ang SIM Registration Act ay labag sa mga pangunahing karapatang pantao gaya ng freedom of speech.
Anila, mahigit 64 million na SIM card ang hindi pa nairerehistro at sa sandaling magpatupad ng deactivation ay milyon-milyong Pilipino ang mawawalan ng access sa komunikasyon.
Matatandaang inihain noong April 17 ang petition for certiorari and prohibition laban sa SIM card Registration hanggang sa palawigin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang panahon ng pagpaparehistro.