Nagsuspinde na ng pampublikong misa ang ilang diyosesis bilang pagtalima sa deklarasyon ng pamahalaan na isailalim ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula August 6.
Ang Dioceses ng Cubao, Novaliches, at Parañaque ay nag-anunsyo ng suspensyon ng public mass sa lahat ng kanilang parokya at kapilya mula July 31 hanggang August 20.
Sa isang circular letter, sinabi naman ni Parañaque Bishop Jesse Mercado na simula ngayong araw, July 31, tanging virtual masses na lamang ang isasagawa.
Aniya, walang gagawing public masses maliban para sa libing at burol alinsunod sa patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ang Diocese of Pasig ay nagpatupad na rin ng suspensyon para sa pampublikong misa.
Bagamat wala pang anunsyo ang Archdiocese of Manila, ang ilang simbahan na sakop nito ay nagpatupad na rin ng suspensyon ng pampublikong misa tulad ng Manila Cathedral.