ILANG DRAYBER NG LINGAYEN-DAGUPAN MODERN JEEPNEYS, HINDI MUNA PAPASADA DAHIL SA TAAS NG PRESYO NG KRUDO

Karamihan sa mga drayber ng pampasaherong sasakyan ang nahihirapang makipagsabayan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa liit ng kanilang kita.

Sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang drayber, halos triple na umano ang halaga ng nagagastos ng mga kooperatiba ng modern jeepneys na bumabyahe ng Lingayen-Dagupan sa krudo kung ikukumpara noong nakaraang buwan.

Mula sa tinatayang ₱2,000 ay halos umabot na ng ₱5,000 ang pang-araw-araw na inilalaan nila sa krudo.

Dahil dito, ilang drayber sa kanilang kooperatiba ang piniling hindi muna bumiyahe sa ngayon dahil sa kawalan ng kita.

Umaabot pa umano sa puntong kinakailangan muna nilang abonohan ang krudo.

Ayon sa ilang kooperatiba, halos kalahati ang hindi na muna bumibyahe, mula 30-50 na modern jeepneys ay nasa humigit-kumulang 15-20 nalang ang bumibyahe sa isang araw.

Sa kabila nito, umaasa ang mga kooperatibang babalik sa normal ang bilang ng kanilang biyahe sa oras na tuluyang bumaba ang presyo ng krudo.

Sa ngayon, nilinaw nilang walang nakaambang transport strike at tuloy-tuloy pa rin ang kanilang operasyon sa kabila ng dagok na dinaranas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments