Ilang driver ng tradisyunal na jeepney sa Mandaluyong City, nangangalakal na para may mapangkain

Masakit man para sa kanila na kainin ang pride, kinain na nila ito para literal na may mapangkain.

Wala kasing biyahe ngayong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kaya nauwi sila sa panangangalakal ng basura.

Bawal kasing mamalimos dahil nasisita sila ng Anti-Vice ng Mandaluyong City, kaya naman sa karton at mga bote ng plastic umaasa ang mga driver ng traditional na jeepney sa Boni-Pinatubo.


Kwento ng mga driver, sa buong araw na pangangalakal, nakapag-uuwi sila ng ₱80 na siyang ginagamit nila para pambili ng pangkain.

Dahil dito, muli silang nananawagan ng tulong sa lokal na pamahalaan para mabigyan man lang sila ng kaunting tulong.

Samantala, sinabi rin ng mga driver na hinihintay nila ang tulong ni Willie Revillame.

Nabalitaan kasi nila na nagbigay ng ₱5 milyon si Revillame para paghatihatian ng mga driver ng tradisyunal na jeep na namamalimos bunsod ng kawalan ng hanapbuhay.

Facebook Comments