Nababahala ang ilang eksperto sa posibilidad na hindi na kayanin ng mga ospital ang dumaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Professor Ranjit Rye, miyembro ng UP OCTA Research Team, nangangamba silang lumampas pa sa projected na 85,000 COVID-19 cases ang maitalang bilang pagsapit ng katapusan ng Hulyo.
Aniya, bagama’t pababa na ang trend ng COVID-19 sa Cebu City, tumataas naman ngayon ang mga kaso nito sa Metro Manila at CALABARZON.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Prof. Rye na paigtingin ang mga istratehiya ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19 gaya ng pagpapatupad ng mas mahigpit na localized lockdown, pagdaragdag ng contact tracers, pag-maximize sa malalaking isolation facilities at ang implementasyon ng “Testing, Tracing, Treating” o T3.
Samantala, nakukulangan naman si Rye sa pagtalakay ni Pangulong Duterte sa kaniyang SONA kahapon hinggil sa COVID-19 pandemic.
Tingin niya, natabunan ang usapin ng galit ng Pangulo sa kaniyang mga kritiko.
Maging si UP Political Science Prof. Clarita Carlos ay hindi rin kuntento sa inilatag na plano ni Pangulong Duterte sa pagtugon pandemya.
Giit ni Carlos, pangunahing usapin ngayon ang matinding krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa COVID-19 kaya ito dapat ang naging sentro ng kanyang SONA.