Ilang environmentalist group, naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa NSWMC

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang environmentalist group laban sa bumubuo ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC).

Ito’y upang pagpaliwanagin ang mga opisyal ng komisyon hinggil sa kapabayaan ng gobyerno sa polusyon dulot ng pagtatapon ng mga plastic materials.

Nasa 52 ang petitioners na kinabibilangan ng grupo ng mga mangingisda, kabataan, divers, lokal na mambabatas, at Oceana sa pamamagitan ng legal counsel nila na si Atty. Michael de Castro.


Ayon kay Atty. De Castro, nais nilang maglabas ang Korte Suprema ng Writ of Kalikasan at Writ of Continuing Mandamus dahil sa hindi naipatupad ng gobyerno na gumawa ng listahan ng non-environmentally acceptable products at packaging sa loob ng 20 taon.

Ilan sa mga respondents sa petition ay sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu, Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez, Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato dela Pena, Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III, Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar, Agriculture Sec. William Dar, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin Abalos Jr. na pawang mga miyembro ng NSWMC.

Iginiit ng abogado na ilang taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin natutukan ng pamahalaan ang problema sa polusyon dulot ng plastik.

Lumalabas din sa isinagawang pag-aaral ng kanilang grupo na sa darating na panahon ay magiging lason na ang mga plastik na nakatambak o nakakalat dahil sa ito ay hindi nabubulok.

Hiling ng mga petitioner na mapakinggan ng Korte Suprema ang kanilang hinaing upang masolusyunan kaagad ang problema sa polusyon dulot ng mga produktong gawa sa plastik.

Facebook Comments